Katatapos lamang ng funeral mass ni Sis. Cely. Nandito ako ngayon sa kwarto ko at hanggang ngayon ay nakakatanggap ng mensahe mula sa iba't ibang tao tungkol kay Sis. Cely at kung ano ang mga matatamis na alaala nila tungkol sa kanya. Kanina sa homilya, sinabi ko, hindi kumpleto ang kasaysayan ng parokyang ito kung hindi babanggitin ang pangalang "Sis. Siyang."
Alam ko na lahat naman ay sasang-ayon dito. Noong mamatay si Sis. Cely marami ang nalungkot. Naalala ng iba na noong bata sila, si Sis. Cely ang umaakay sa kanila upang magdasal ng rosaryo sa bahay-bahay dito sa Comembo. Si Sis. Cely daw ang nagturo sa kanila na magdasal. May nag-text pa sa akin, noong bata daw sila si Sis. Cely ang katekista nila at tinuro sa kanila ang novena sa Sto. Nino upang tulungan daw sila sa kanilang pag-aaral. Sabi niya, hanggang high school at college, hanggang matapos siya sa pag-aaral dinadasal niya ang novena na itinuro ni Sis. Cely. At sino ang makakalimot sa larawan ng isang Sis. Cely na naglalakad papunta sa simbahan, may tungkod at alam mong nahihirapan, pero hindi magpapa-awat makapaglingkod lamang sa altar ng Panginoon?
Salamat sa inspirasyon Sis. Cely. Nais ko sanang tawagin kang "Parishioner of the Month" o "Parishioner of the Year", subalit alam kong kulang iyon upang parangalan ka. Halos apat na dekada ang buong pusong paglilingkod mo sa parokyang ito. Isang uri ng paglilingkod na sumasalamin sa paglilingkod na itinuro ni Hesus, paglilingkod na walang hininging kapalit. Naniniwala ako na iyon ang sukatan ng pagiging isang tunay na mamamayan ng Comembo. Hindi kapirasong papel ang sukatan ng pagiging mamamayan, nasa puso ito, nasa isip, nasa kaluluwa. Salamat at matatamis ang alaalang iniwan mo. Kanina nakakalungkot ang awit nang matapos ang misa. Pero iyon ang mga salitang nais naming ulit-ulitin sa iyo Sis. Cely:
"Sa bawat pag-ikot ng ating buhay
May oras kailangan na maghiwalay
Puso'y lumaban man walang magagawa
Saan ka, kailan ka, muling mahahagkan
Magkulang man sa atin itong sandali
Alam ko na tayo'y magkikitang muli
Hangga't may umaga pa na haharapin
Ikaw lang ang mamahalin..."
Monday, January 28, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment