"IT IS TREASON FOR A LEADER TO LEAD WITHOUT A VISION." Sa mga taong-simbahan sa Archdiocese of Manila, tiyak na alam agad ninyo kung sino ang madalas magsabi ng mga pananalitang iyan. Umpisa pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang Arsobispo ng Maynila, parang iyan na ang constant refrain ni Gaudencio Cardinal Rosales o ni Lolo Dency. Sabi niya, pagtataksil o pagkakanulo ang mamuno na walang pananaw. Kung walang pananaw o pangarap ang isang pinuno, saan niya dadalahin o aakayan ang kanyang mga pinamumunuan?
Kagabi ay dinaos sa ating parokya ang Candidates' Forum na inihanda at inihandog sa atin ng PPCRV (maraming salamat sa napakasipag na si Sis. Chat at mga kasama). Halos lahat naman ng kumakandidato bilang kagawad at kapitan ay nagsidalo at napakinggan. Katulad ng obserbasyon ng nakararami, maayos naman daw ang daloy ng forum -- walang bastusan, walang bangayan, walang babuyan (maliban sa ilang patutsada noong huling limang minuto ng forum).
Maganda ang mga pananalita. Malinaw na malinaw na pinaghandaan ng nakararaming kandidato ang kanilang mga sasabihin. Napakagandang pakinggan ng mga salita. Subalit iyon siguro ang kagandahan ng barangay elections. Kakilala natin ang mga nagsasalita, alam natin kung sino sila, kung anong uri ng tao, kilala ang pamilyang pinanggalingan, at kahit pag-ikut-ikutin tayo ng mabulaklak na pananalumpati, tayo ang nakakaalam kung may katotohanan ba o kung magagawa ba nila ang pinapangako (biruin ninyo, may isang 17 yr old candidate na ang mga pinangako ay katumbas na ng buong programa ng Caritas Manila at SSDM? Pabahay na lang ang kulang). Kung mas naging bukas at mapanuri ang mga nakinig kagabi, madaling malalaman kung sino ang mapagkakatiwalaan at kung sino ang hindi.
At iyon ang nakakatakot. Ilan sa mga nakinig kagabi ang dumalo dahil nais makilala ang mga kandidato at makaboto nang maayos sa Lunes? Ilan sa mga nakinig ang sarado na ang isip?
Isang tanong ang hinintay ko kagabi na sagutin ng mga kandidato bilang SK Chairman at Barangay Chairman: Ano sa palagay ninyo ang kahalagahan ng malalim na pananampalataya at takot sa Diyos para sa isang nagnanais maglingkod sa bayan? Simple ang tanong kung tutuusin. Kung nag-iisip ang mga kandidato dapat nahulaan nila na lalabas ang tanong na iyon. Pero wala akong nakuhang lalim sa mga sagot. May mga tahasang lumihis sa tanong. "Magsisimba ako." "Pupunta ako sa simbahan araw-araw." (oopps! parang di ko pa sila nakita sa simbahan? hmmm baka naman sa Pateros o sa Mater o sa Greenbelt nagsisimba. Sige na nga, benefit of the doubt.) May nagsabi din na wala sa dalas ng pagsisimba ang sukatan ng pananampalataya. Maaari nga na wala sa pagsisimba, pero nasaan? Malinaw naman ang tinutumbok ng tanong. Kung walang moralidad sa personal na buhay na nagmumula sa pananampalataya at takot sa Diyos, wala ring maaasahang moralidad sa pamumuno. Lahat ay sakop ng batas ng Diyos. At lahat ng kapangyarihan sa lupa ay nagmumula sa Diyos. Paano ka makapamumuno na isinasangtabi ang Diyos? Kung ang namumuno ay hindi nangingimi at natatakot sa Diyos, sino o ano pa ang katatakutan niya?
Sana sa Lunes pagboto natin, boboto tayo nang may pananaw. Pananaw para sa ating komunidad dito sa ating barangay. Anong barangay ang ninanais natin? Anong klase ng mga pinununo ang gusto mong pagkatiwalaan ng iyong napaka-sagradong boto? Hahayaan lamang ba nating masayang ang lahat? Another exercise in futility...??!!??
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Banal na Aso....santong kabayo
Ako po ay isa sa mga dating parokyano ng simbahan na ito ngunit mas ninais ko pa na dumayo sa ibang parokya dahil hindi ko na masikmura na mismong mga tao na naglilingkod (kuno) sa Diyos ay mayroong mga hidwaan at inggitan sa kani-kanilang mga grupo.
oo nga, madalas kang nagsisimba pero isinasabuhay at isinasapuso mo ba ang mga turo na naririnig mo tuwing linggo? marahil ang karamihan sa mga katoliko ngayon ay nag darasal na lamang sa kanilang mga bahay o di kaya ay lumilipat na lang ng ibang relihiyon dahil sa napakaraming mga "banal na aso at santong kabayo" sa paligid nya. kung sino pa yun madalas na makita mo sa simbahan ay sya pa yun mga tsimoso, mapanirang puri at kung anu-ano pang masasamang ugali. ako man ay hindi perpekto ngunit sana maging mabuting halimbawa naman kayo sa mga taong katulad ko na nawawalan na ng gana sa relihiyong kinamulatan ko.
nalungkot ako sa nakaraang candidate's forum dito sa ating baranggay. bakit may ganoong klaseng Q&A portion pa? sabi ng aking kaibigan na taga Cembo na dumalo sa candidate's forum ng parokya nila ay naging mapayapa naman ito.nagsalita lang ang mga kandidato at wala nang mga tanong pa na animo'y may halong pag-kiling sa isang grupo o kandidato. sa kanila daw ay ni palakpak ay hindi hinayaan ng kanilang kura paroko? pero dito sa atin? well, ayoko na lang magsalita...bato-bato sa langit ang tamaan wag magagalit.
paki-post mo ito ha...wag kang maging bias....kapag nag blog ka dapat open ka sa mga criticisms, whether they are good or bad. maglalagay ka ng blog pero kapag pangit reaction sa sinulat mo di mo ina-approve. tapos gumawa ka na lang ng counter reaction mo if you do not agree to my observation or better yet try to do something and see for yourself if what i said were true or not. be fair! yun lang and salamat.
Post a Comment