Thursday, July 26, 2012
VICARIATE BEC GENERAL ASSEMBLY 2012, MATAGUMPAY
Isang masayang Vicariate Basic Ecclesial Community (BEC) General Assembly ang naganap noong ika-30 ng Hunyo, Sabado, sa Comembo Covered Courts. Ito ay pinangunahan ni Rev. Fr. John G. Barro, Kura Paroko ng Mary Mirror of Justice Parish (MMJP) at kasalukuyang priest-coordinator ng BEC ng Bikaryato ng Our Lady of Guadalupe.
Ang nasabing general assembly ay may temang “Pamilya at Parokya, Nagkakaisa Tungo sa Sambayanang Kristiyano”. Ang programa ay sinimulan sa isang prusisyon ng mahigit anim na raang katao mula sa ibat-ibang parokya ng bikaryato. Ito ay sinundan ng isang Banal na Misa na pinamunuan ni Fr. John at ni Rev. Fr. Norman Balboa, Katuwang na Kura ng Mater Dolorosa Parish (MDP). Sa homilya ni Fr. John ay nagbigay siya ng napakagandang mensahe patungkol sa tema. Sinabi niya na layunin ng BEC ang mas lalo pang patatagin ang pagkakaisa ng pamilya at parokya nang sa gayon ay magkaroon ng isang sambayanang Kristiyano na pinagbuklod ng Diyos.
Matapos ang misa ay nagkaroon ng isang makulay at kahanga-hangang pagtatanghal mula sa Teatro Miguel, isang cultural dance group mula sa Lungsod ng Taguig. Naging masigla ang buong programa sa pangunguna na rin ng emcee na si Bro. Val Canilao ng Sta. Teresita Parish (STP). Isang pampasiglang sayawan at kantahan din ang naganap sa pangunguna ng Music Ministry ng MDP.
Bahagi ng programa ang ulat ng BEC Coordinators ng bawat parokya. Sa kanilang pagtatalakay ay lumabas ang kakulangan at problemang kinahaharap ng bawat BEC ng bikaryato. Gayunpaman, sa kabila ng mga problemang nabanggit ay mas lumalamang pa rin ang kabutihang dulot ng mga gawain ng BEC sa mga parokya.
Pagkatapos ng mga ulat ay nagbigay ng maiksing pananalita si Rev. Fr. Roderick L. Castro, Kura Paroko ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe at kasalukuyang Vicar Forane ng bikaryato. Limang mahahalagang salita ang binigyang diin ni Fr. Eric – focus, concern, actor, authority at activity. Bawat salita ay binigyan niya ng kahulugan at kaugnayan sa tungkulin ng BEC. Sinabi rin ni Fr. Eric na layunin ng BEC na pangalagaan at pagbuklurin pa lalo ang bawat Kristiyanong Kotoliko hindi lamang sa pananampalataya kundi pati na rin sa paggawa ng kalooban ng Diyos.
Matapos ang pananalita ay nagkaroon ng pagsasalu-salo sa masarap na tanghaliang inihanda ng bawat parokya. Habang patuloy ang kasiyahan ay marami naman ang nagpakuha ng litrato sa photo booth na inihanda ng Social Communication Ministry ng MMJP. Nagpatuloy din ang kasiyahan sa inihandang sayaw ng mga miyembro ng BEC ng St. John of the Cross Parish. Natapos ang general assembly sa pasasalamat ni Fr. John sa lahat ng tumulong at nagsagawa ng plano para sa nasabing gawain.
Kasama rin sa mga paring dumalo sina Rev. Fr. Joel Mosura ng MDP at Rev. Fr. Ariel Aquino ng STP.
By: Bro. Jonathan M. Agcaoili
Subscribe to:
Posts (Atom)