Saturday, October 27, 2007

Barangay Elections 2007

"IT IS TREASON FOR A LEADER TO LEAD WITHOUT A VISION." Sa mga taong-simbahan sa Archdiocese of Manila, tiyak na alam agad ninyo kung sino ang madalas magsabi ng mga pananalitang iyan. Umpisa pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang Arsobispo ng Maynila, parang iyan na ang constant refrain ni Gaudencio Cardinal Rosales o ni Lolo Dency. Sabi niya, pagtataksil o pagkakanulo ang mamuno na walang pananaw. Kung walang pananaw o pangarap ang isang pinuno, saan niya dadalahin o aakayan ang kanyang mga pinamumunuan?

Kagabi ay dinaos sa ating parokya ang Candidates' Forum na inihanda at inihandog sa atin ng PPCRV (maraming salamat sa napakasipag na si Sis. Chat at mga kasama). Halos lahat naman ng kumakandidato bilang kagawad at kapitan ay nagsidalo at napakinggan. Katulad ng obserbasyon ng nakararami, maayos naman daw ang daloy ng forum -- walang bastusan, walang bangayan, walang babuyan (maliban sa ilang patutsada noong huling limang minuto ng forum).

Maganda ang mga pananalita. Malinaw na malinaw na pinaghandaan ng nakararaming kandidato ang kanilang mga sasabihin. Napakagandang pakinggan ng mga salita. Subalit iyon siguro ang kagandahan ng barangay elections. Kakilala natin ang mga nagsasalita, alam natin kung sino sila, kung anong uri ng tao, kilala ang pamilyang pinanggalingan, at kahit pag-ikut-ikutin tayo ng mabulaklak na pananalumpati, tayo ang nakakaalam kung may katotohanan ba o kung magagawa ba nila ang pinapangako (biruin ninyo, may isang 17 yr old candidate na ang mga pinangako ay katumbas na ng buong programa ng Caritas Manila at SSDM? Pabahay na lang ang kulang). Kung mas naging bukas at mapanuri ang mga nakinig kagabi, madaling malalaman kung sino ang mapagkakatiwalaan at kung sino ang hindi.

At iyon ang nakakatakot. Ilan sa mga nakinig kagabi ang dumalo dahil nais makilala ang mga kandidato at makaboto nang maayos sa Lunes? Ilan sa mga nakinig ang sarado na ang isip?

Isang tanong ang hinintay ko kagabi na sagutin ng mga kandidato bilang SK Chairman at Barangay Chairman: Ano sa palagay ninyo ang kahalagahan ng malalim na pananampalataya at takot sa Diyos para sa isang nagnanais maglingkod sa bayan? Simple ang tanong kung tutuusin. Kung nag-iisip ang mga kandidato dapat nahulaan nila na lalabas ang tanong na iyon. Pero wala akong nakuhang lalim sa mga sagot. May mga tahasang lumihis sa tanong. "Magsisimba ako." "Pupunta ako sa simbahan araw-araw." (oopps! parang di ko pa sila nakita sa simbahan? hmmm baka naman sa Pateros o sa Mater o sa Greenbelt nagsisimba. Sige na nga, benefit of the doubt.) May nagsabi din na wala sa dalas ng pagsisimba ang sukatan ng pananampalataya. Maaari nga na wala sa pagsisimba, pero nasaan? Malinaw naman ang tinutumbok ng tanong. Kung walang moralidad sa personal na buhay na nagmumula sa pananampalataya at takot sa Diyos, wala ring maaasahang moralidad sa pamumuno. Lahat ay sakop ng batas ng Diyos. At lahat ng kapangyarihan sa lupa ay nagmumula sa Diyos. Paano ka makapamumuno na isinasangtabi ang Diyos? Kung ang namumuno ay hindi nangingimi at natatakot sa Diyos, sino o ano pa ang katatakutan niya?

Sana sa Lunes pagboto natin, boboto tayo nang may pananaw. Pananaw para sa ating komunidad dito sa ating barangay. Anong barangay ang ninanais natin? Anong klase ng mga pinununo ang gusto mong pagkatiwalaan ng iyong napaka-sagradong boto? Hahayaan lamang ba nating masayang ang lahat? Another exercise in futility...??!!??

Saturday, October 13, 2007

Team Building Seminar



Kadarating lang namin from Tagaytay. Katatapos lang ng one-day team-building seminar ng PPC. Kung tatanungin nyo ko, gusto ko na lang mahiga at matulog. Subalit hindi ko mapigilan ang sarili ko na magsulat at maglagay ng mga litrato kuha sa seminar. Siguro dahil naging mabiyaya ang araw. Hindi ako masyadong magbibigay ng detalye (para ma-intriga ang iba). Kami na lamang ng mga participants ang nakakaalam ng mga tunay na nangyari at kung gaano kami kasaya (muwahahahaha! inggit kayo? oops! parang pangit yata pagkakatawa ko, parang si satanas. again again ... hehehehehe!). Hayaan nyo na lang mangusap ang mga larawan. Pero may ilang insights din ako ibabahagi, bagay na hindi namin maaaring sarilihin dahil para saan ang pagninilay kung hindi naman ipangangalat at ipahahayag ang mensahe ni Lord, di ba?


KASALI LAHAT, LAHAT KASALI: Ito ang unang battle cry na itinuro sa amin. Walang magpapasaway, walang mag-iinarte sa mga activities sa seminar. Ganon din sa parokya, di ba? Paano tayo uusad kung may ayaw "sumali"? Paano magkakaroon ng pagkakaisa at mabubuo ang "sambayanan ng mga tao" kung palaging may nagpapa-importante?




WHERE REASON ENDS, FAITH BEGINS: Lahat tayo tinawag lang na maglingkod. Hindi si Fr. Eric (ako yon) ang tumawag, hindi ang kapitbahay lang o kung sino mang tao. Ang Diyos ang tumatawag. At bakit tayo ang tinatawag? Marami namang iba na mas karapat-dapat, bakit ako? Mahirap ipaliwanag sapagkat misteryoso ang pagtawag ng Diyos. Gusto mong malaman kung bakit ikaw? Tanungin mo si Lord. Pero tumugon ka muna bago ka magtanong, sapagkat baka hindi maabot ng pag-iisip natin kung bakit. Kailangan lang magtiwala, kailangan manampalataya.





AT YOUR SERVICE LORD! Sa pagtatapos ng seminar, magsisimula ang pagbubuo ng komunidad. Ang "team" ay hindi na-"build" ng seminar. Ang team ay patuloy sa proseso ng building. At susi dito ang kahandaan natin na akayin ang isa't isa patungo sa KAGANAPAN NG BUHAY! Salamat Kuya Noel at Ate Gaines. Sa loob ng isang araw muling nasariwa sa amin ang kahulugan ng paglilingkod bilang pagtugon sa tawag ng Panginoon. Salamat at hinayaan nyo kaming harapin ang bahagi ng sarili namin na mahirap tanggapin subalit hinahangad na baguhin. Mangyari nawa lahat alang-alang kay Lord.